MANILA, Philippines – Hindi pa makumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat na nakapag-book ng flight sina Deniece Cornejo at Cedric Lee patungong Singapore sa susunod na buwan.
Sinabi ni NBI-National Capital Region director Vicente de Guzman na tinututukan muna nila sa ngayon ang anggulong pambubugbog sa TV host Vhong Navarro.
Kaugnay na balita: Lee, Cornejo kinasuhan ng NBI sa 'pambababoy' kay Vhong
Dagdag ni De Guzman na may iba namang ahensya ng gobyerno ang maaaring tumingin kung totoo ang naiulat na pagbiyahe ni Cornejo at Lee.
Ayon sa mga source, nakapagbook ng Philippine Airlines flight patungong Singapore sina Cornejo at Lee. Nakatakda silang umalis sa Pebrero 6.
Kinasuhan na ng NBI sina Cornejo, Lee at iba pa nilang kasamahan ng kidnapping, serious illegal detention, serious physical injuries, grave threats, grave coercion, unlawful arrest, threatening to prevent publication in exchange for compensation.
Kaugnay na balita: NBI sa kaso ni Vhong: Walang rape
Nag-ugat ang isyu nang bugbugin ng grupo ni Lee si Navarro noong Enero 22 sa tinutuluyang condominium unit ni Conejo sa Forbeswood Heights condominium sa Bonifacio Global City Taguig.
Samantala, sinabi ng kampo ni Lee na inupakan nila ang TV host matapos mahuling ginagahasa si Cornejo.