MANILA, Philippines - Isang mister ang nasa kritikal na kondisyon matapos sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng mga security guard at informal settlers na umookupa sa isang pribadong lugar sa Taguig City kahapon.
Ginagamot sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Ismael Sumagka, 41, residente ng Brgy. Maharlika Village ng naturang siyudad makaraang tamaan ng bala sa tiyan nang magpaputok umano ng baril ang mga security guard.
Dinakip naman ng pulisya ang guwardiyang si Domingo Buen, nang ituro siya ng mga saksi na umano’y nagpaputok ng baril.
Pinabulaanan naman ni Buen ang bintang at iginiit na warning shot lamang ang kanilang ginagawa upang mahadlangan ang paglusob ng mga armadong kalalakihan na kabilang sa mga informal settlers.
Sa imbestigasyon ng Taguig City Police Homicide Section, nabatid na nagsimula ang girian sa pagitan ng mga guwardiya at mga informal settlers makaraang magsimula umanong maghakot ng mga materyales na gamit sa pagtatayo ng barung-barong ang ilang mga kalalakihan na nagnanais umokupa sa may dalawang ektaryang pribadong lote sa Brgy. New Lower Bicutan na pag-aari ng isang Ramon Lee.
Napag-alaman na mahigit 100-pamilya na ang naninirahan sa pribadong lote na noon pa pinapaalis ng may-ari subalit nagmamatigas ang mga ito sa paniwalang hindi si Lee ang nagmamay-ari sa lote.
Iniutos naman ni Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis sa kanyang mga tauhan na bantayan ang naturang lugar upang hindi na muling maulit pa ang karahasan at mapanatili ang katahimikan sa magkabilang panig hangga’t hindi nareresolba ng korte ang usapin.