Pawnshop tinangka uling looban ng acetylene gang

MANILA, Philippines - Isa na namang pawnshop ang pinasok ng acetylene gang, matapos­ na madiskubre ang hukay na nilikha nito sa loob mismo ng target na sanglaan sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Gayunman, bigo umano ang grupo na makuha ang mga alahas­ na nakalagay sa GPI Express Pawnshop maka­raang tumunog­ umano ang alarma na nakakabit sa loob nito na nagbigay daan para agad na rumisponde ang tropa ng Quezon City Police District Station 5.

Ayon kay PO2 Rodel Salamat ng PS5, ang insidente ay nadiskubre, ganap na alas-3 ng madaling-araw matapos na makatanggap umano sila ng alarma buhat sa nasabing sanglaan na matatagpuan sa  Maligaya Park Subdivision, Brgy. Pasong Putik.

Sinabi ni Salamat, posibleng hindi na itinuloy ng grupo ang pagnanakaw dahil sa alarma, kung saan nang makarating anya sa kanilang tanggapan ay agad silang nagpadala ng tropa doon.

Ayon naman kay Jomer Regencia, security guard ng GPI Express­ Pawnshop, tumambad na lamang umano sa kanya ang hukay na korteng “Y”, isa sa gawing pintuan at isa sa loob.

Pinalalagay ng awtoridad na ang hukay ay galing sa kalapit na imburnal na magkakasya anya sa mga butas ang balingkinitang tao.

Narekober din ng awtoridad sa lugar ang jack, bareta, mga screw driver at iba pang maliliit na gamit na panghukay. Hindi din umano namalayan ng security guard na may naghuhukay na sa kanilang tanggapan, pero aminado itong walang naka-duty na guwardiya tuwing gabi. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Show comments