2 parak sugatan sa ‘Oplan Galugad’

MANILA, Philippines - Dalawang kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) ang sugatan matapos na pagbabarilin ng mga armadong grupo habang ang mga una at ilang pang kasamahan ay nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ sa isang liblib na lugar sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano ang mga sugatang pulis na sina PO2 Randolf Olivar, 42 at PO1 Archie­ Evangelista, 25, na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 2.

Ayon kay Albano, ang da­lawa ay nakaratay ngayon sa Chinese General Hospital dahil sa tama ng bala sa kanilang mga katawan.

Si Olivar ay nagtamo ng tama ng bala sa magkabilang hita, habang si Evangelista ay sa sikmura, kanang kamay, at kaliwang paa.

Samantala, dalawa sa tatlong suspek na nakilalang sina Edwin­ Lopez, 37, at Parok Hussein, 35, ang agad namang nadakip ng pulisya.

Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Alcoy malapit sa pa­nulukan ng Rivera St., Brgy.  Bagong Pagasa sa lungsod.

Bago ito, nagsagawa ang pulisya ng operasyon sa may squatters area sa may San Roque II sa nabanggit na barangay dakong alas-11:57 ng gabi.

Habang naglalakad ang tropa nina PO2 Olivar at PO1 Evangelista sa kahabaan ng Alcoy, napuna nila ang tatlong mga kalalakihan, pero hindi pa sila nakakalapit ay pinaputukan sila ng mga ito.

Dahil dito, gumanti ng putok ang mga awtoridad at sa kasag­sagan ng putukan ay tinamaan ang nasabing mga pulis hanggang sa magsipagtakas ang mga suspek at sa isi­nagawang follow-up operations ay nasakote ang dalawa sa mga suspek.

Show comments