Temperatura sa Metro Manila at Baguio city muling bumaba

MANILA, Philippines – Matapos ang dalawang araw na bahagyang pag-init sa Metro Manila, muling bumaba sa 20-degree Celcius ang temperatura, ayon sa state weather bureau ngayong Huwebes.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na naitala ang 19.7 degrees Celcius na temperatura sa Metro Manila kaninang umaga sa pagitan ng alas-5 at alas-6 ng umaga.

Nitong Martes at Miyerkules ay bahagyang uminit kung saan umabot sa 21.5 degrees at 20.7 degrees ang temperatura.

Naitala ang pinakamaginaw na araw ngayong taon nitong Sabado matapos bumagsak sa 17.5 degrees, ayon pa sa PAGASA.

Samantala, nasa 9.2 degrees naman ang temperatura sa Summer Capital ng bansa ang Baguio City.

Mas mababa ito kumpara rin sa nakaraang dalawang araw, kung saan naitala ang 12.5 at 11.4 degrees.

Inaasahang magtatagal ang maginaw na klima hanggang katapusan ng Pebrero dahil sa patuloy na epekto ng hanging Amihan.

 

Show comments