Nag-agawan sa sumpak, anak utas sa tatay

MANILA, Philippines - Pakikipag-agawan sa sum­pak ng kanyang ama ang dahilan ng kamatayan ng  isang  21-anyos na lalaki makaraang tamaan ng bala kahapon ng ma­daling-araw sa Taguig City.

Patay na nang idating sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Danilo Ville, ng 49B Camachile St. Western Bicutan sanhi ng ti­na­mong tama ng bala ng sumpak sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng opisyal ng barangay ang ama ng biktima na si Dionidio Ville na nagtangka pang tumakas at nagpalit pa ng damit makaraan ang pamamaril.

Sa ulat ng pulisya, nakiki­pag-inuman ang biktima sa kapatid na si Diocer at mga kabarkada sa Lanting St. dakong alas-12:45 ng madaling araw nang sawayin sila ng amang si Dionidio dahil sa nakakabulahaw na ang ingay.

Pumalag naman ang lasing­ nang si Danilo sa ama  na labis nitong ikinagalit at kinuha ang kanyang sumpak sa bahay. Nang itinutok sa anak, nagawa ni Danilo na sunggaban ito ngunit nang pumutok ay napuruhan ang biktima.

Kasong parricide ang isa­sampa ng pulisya laban sa ma­tandang Ville sa Taguig Prose­cutor’s Office.

 

Show comments