MANILA, Philippines - Naaresto kahapon ng mga tauhan ng Manila Police District ang dalawang suspect na responsable sa pagpatay sa isang sapatero kamakalawa ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila na ang krimen ay nakunan ng CCTV na nakakabit sa naturang lugar.
Nakapiit ngayon ang mga suspect na nakilalang sina Jeffrey Ronales, 25 at Ruel Cabarles, 22.
Ayon kay SPO3 Glenzor A. Vallejo ng MPD homicide, pasado alas-9 ng umaga nang madakip si Ronales habang si Cabarles ay nasakote sa Laong-Laan kanto ng AH Lacson, Sampaloc, Maynila.
Ang dalawa ay natukoy ng pulisya na pumatay sa sapaterong si Mateo Buyron, 53, sa panulukan ng Mendoza at Malabon Sts., Sta. Cruz noong madaling-araw ng Lunes.
Sa pahayag ng pulisya, walang tigil sa kasa-sign of the cross ni Cabarles habang kuntodo naman ang iyak ni Ronales habang todo tanggi sa krimen makaraang madakip ang mga ito.
Sinabi ni Ronales na nagulat umano siya nang damputin ng mga pulis at posasan habang sinasalaysay naman ni Cabarles na inaayos niya ang mga kalakal sa kanyang kariton na kanyang nakuha nang dakpin ng mga pulis.