MANILA, Philippines - Isang computer programmer ang nasawi matapos na saksakin sa leeg at dibdib ng isang hinihinalang tripper habang naglalakad ang biktima sa Brgy. Rosario, Pasig City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Joe Marie Pagdato, 44, at residente ng Rosario Village, Brgy. Rosario sa lungsod.
Ayon kay PO3 Eduardo Pablo, mismong ang suspek na si Freddie Cruz, 23, alyas Chad-Chad na kalugar ng nasawi ang nagsabing hindi niya kaaway ang biktima kundi nakursunadahan o napagtripan lang umano niyang saksakin.
Sa ulat ni Pablo, naganap ang insidente sa Rosario Village, Brgy. Rosario dakong alas-4:45 ng madaling-araw habang naglalakad ang bikÂtima nang makita ng suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak.
Isang Ridgeway Ravelo ang nakakita sa biktima na sumisigaw at humihingi ng saklolo habang inuundayan ng saksak ng suspek.
Matapos ang pananaksak ay naglakad lamang papalayo sa crime scene ang suspek kaya nagawang madakip ng mga awtoridad.
Isinugod naman ni Ravelo sa Alfonso Hospital ang biktima bago inilipat sa Pasig City General Hospital (PCGH) ngunit binawian din ng buhay.