Parak dinedo sa harap ng bahay

Naliligo sa kanyang sariling dugo si SPO1 Miguel Gu­yagoy ng QCPD-Station 4 matapos na barilin ng mala­pitan ng hindi pa nakikilalang suspect kahapon ng umaga sa Quezon City. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines - Isang pulis ang patay ma­karaang pagbabarilin ng solong armadong suspek ha­bang naglilinis ang una ng kanyang sasakyan sa labas ng kanyang bahay sa Novaliches sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Si SPO1 Miguel Guyagoy Jr, 55, nakatalaga sa follow-up section ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches station, ay agad na nasawi mula sa mga tama ng bala sa ulo at katawan, ayon kay QCPD Novaliches Station commander Supt. Norberto Babagay.

Sabi ni Babagay, isang lalaki ang natukoy na salarin sa nasabing pamamaril na mabilis na tumakas makaraan ang insidente na nangyari ganap na alas-10 ng umaga sa may labas ng bahay ni Guyagoy sa kahabaan ng Ibon Pilak Street, Sitio Aguardiente, Bgy. Sta. Monica, Novaliches.

Ayon pa sa opisyal, mayroon na silang tinututukang motibo sa nasabing pamamaril kung saan isa na dito ay ang iligal na droga kung saan posibleng marami ang nagalit sa biktima dahil mahigpit umano ito sa mga gumagamit ng droga sa ka­nilang lugar.

Naglilinis ng kanyang Tamaraw FX ang biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang suspek saka siya nilapitan at pinagbabaril.

Sabi ng asawa ng biktima, mula sa labas ay narinig na lang niya ang mga putok ng baril saka ingay ng motorsiklo na papalayo, at nang kanyang tingnan ay saka tumambad sa kanya ang biktima habang duguang nakasubsob sa simento.

Dagdag ng kaanak ng biktima, ilang buwan ang nakalilipas ay pinaalahanan umano ng isang kaibigan ang biktima na mag-ingat dahil marami umanong nagbabanta sa kanyang buhay, bagay na binalewala lamang anya nito.

Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang aabot sa 10 basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa crime scene.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments