MANILA, Philippines - Matapos ang tatlong taong pagtatago, nadakip na rin ng pulisya ang isang wanted sa kasong murder kahapon ng umaga sa Malabon City.
Kinilala ang nadakip na si Allan Abrigosa, 40, ng Int. Pilapil, Brgy. Catmon nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, alas-11:30 ng umaga nang masakote ito sa kanyang pinagtataguan sa Panghulo Road, Malabon City.
Ito’y matapos makatanggap ng tawag ang tanggapan ni Senior Supt. Severino Abad, hepe ng Malabon City Police hinggil sa paglutang ng akusado sa nasabing lugar.
Inatasan ng opisyal ang kanyang tauhan at bitbit ang isang warrant of arrest na inisyu ni Judge Zaldy Docena, ng Malabon RTC, Branch 170 na nagresulta sa pagkakadakip sa nabanggit na akusado.
Batay sa rekord ng korte, si Abrigosa ay may kasong murder na isinampa ng kamag-anak ng pinatay nito noong March 9, 2011 sa nasabing barangay.