MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang makipag-engkwentro umano sa mga tropa ng Quezon City Police (QCPD) na nagsasagawa ng surveillance sa isang lugar sa lungsod.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawing suspect na si Akmad Silonagin, alyas Ben Bingi, 32, may-asawa, electrician at residente sa Kabuhayan St., RP, Brgy. Gulod, Novaliches, at isang hindi pa nakikilalang kasamahan nito.
Ayon kay SPO1 Pascual Fabreag, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may harap ng no. 020 Florentina St., RP, Brgy. Gulod, Novaliches, ganap na alas-4:30 ng hapon.
Bago nito, nagsasagawa umano ang tropa ng Quezon City Police Station 4, sa pangunguna ni SPO1 Rodel Deogracias ng surveillance sa naturang lugar hingil sa shooting incident na nangyari noong December 31, 2013 na ikinasawi ng isang Tahir Unting.
Habang naglalakad ang mga operatiba, natunugan umano sila ng mga suspect at paputukan sila nito.
Sa puntong ito, nagsipagdapaan ang mga awtoridad hanggang sa napilitang gumanti na rin ng putok laban sa mga suspect.
Makaraan ang ilang minutong palitan ng putok ay nakitang bumulagta si Silonagin, habang nakatakas naman ang isang kasamahan nito.
Tinangka pang isugod ng mga operatiba ang biktima sa Novaliches District Hospital pero idineklara din itong dead on arrival.
Sa pagsisiyasat, narekober ng awtoridad sa lugar ang isang kalibre .45 baril na may lamang anim na piÂraso ng bala; tatlong piraso ng bala ng kalibre .45 na nakasilid sa itim na belt bag; dalawang piraso ng basyo ng nasabing baril; isang Nokia 1208 cellphone; at pitaka.