MANILA, Philippines - Isang lalaking may warrant of arrest sa kasong murder ang patay, makaraang mabaril ng awtoridad nang tangkain ng unang manlaban habang inaaresto dahil sa nasabing kaso sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero, may-hawak ng kaso, namatay habang dinadala sa East Avenue Medical Center si Melchor Lumantad, may-asawa.
Sabi ni Tejerero, nakasagupa ni Lumantad ang tropa ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit na sina PO3 Juanito Felices; PO2s Ramil Langa, at Randy Gandingco, na aaresto sana sa kanya sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na ipinalabas ni Judge Rosanna Fe Romero Maglaya ng RTC branch 88 ng Quezon City.
Dakong alas-4:10 ng hapon ng maganap ang insidente sa harap ng isang bahay sa no. 21 Dahlia St., Zone 6, Old Capitol St., Diliman.
Bago nito, nakatanggap umano ng impormasyon ang tropa ng QCPD-CIDU hingil sa pagkakakita kay Lumantad na pagala-gala sa may Dhalia St. Old Capitol, Diliman.
Agad na ipinadala ang tatlong nabanggit na operatiba sa lugar, bitbit ang warrant of arrest para kunin si Lumantad.Kasama ng mga operatiba ang barangay kagawad na si Roberto Lim, ay naispatan nila si Lumantad na naglalakad patungo sa kanila.
Sa puntong ito, nagpakilalang pulis ang mga awtoÂridad at habang inaaresto nila si Lumantad, biglang atras ito saka nagbunot umano ng patalim at umakmang aatakehin ang mga una.
Sa kabila nito, pilit na pinasusuko ng mga operatiba ang suspect, subalit kinuha naman nito ang isang granada sa kanyang bulsa at tinangka ibato sa mga awtoridad dahilan para siya paputukan ng mga awtoridad.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang isang patalim at isang granada.