Bangkay ng balikbayang negosyante natagpuang naaagnas

MANILA, Philippines - Ang masangsang na amoy ang naging susi upang madiskubre ang naaag­nas na bangkay ng isang 60-anyos na babae sa loob ng kanyang kuwarto sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SPO1 Zaldy Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, nakilala ang biktima na si Ruth Deepker, may-asawa, negosyanteng balikbayan mula sa Guam.

Si Deepker ay natagpuang naagnas na sa master’s bedroom ng kanyang tinutuluyan sa no. 115  West Riverside, Brgy. San Antonio sa lungsod.

Sabi ni Zaldarriaga, na­diskubre ang bangkay ng biktima ng tenant na si Ma­rian Rodrigo, makaraang ma­langhap nito ang masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng kuwarto nito, alas-8:30 ng gabi.

Sinasabing may  naamoy si Rodrigo kaya’t agad niyang pinuntahan ang kuwarto ng biktima at ilang ulit na kinatok ito, subalit hindi tumutugon hanggang sa magpasya siyang ireport na ito sa barangay.

Nang dumating ang barangay official ay binuksan ang pinto ng kuwarto kung saan tumambad sa kanilang harapan ang walang buhay na katawan ng biktima habang nakahiga sa sofa bed.

Kuwento ng mga boarders nito, halos apat na araw na umanong hindi lumalabas sa kwarto nito ang biktima kung saan huling araw nilang nakita ito noong pagdiriwang ng Bagong Taon, kasama ang sinasabing kinakasama nitong nakilala lamang sa pangalang “Dids”.

Sa kasalukuyan, hindi na makita pa si “Dids” na umano’y nakilala lang ng biktima sa social networking site na Facebook.

Patuloy ang follow-up investigation ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments