MANILA, Philippines - Nabulgar kahapon na sangkot rin sa kasong frustrated homicide sa pagbaril sa isang retiradong pulis noong 2011 ang inarestong parak na bumaril sa isang motorista noong Miyerkules sa Quezon City.
Sinabi ni Chief Inspector Edilberto Nicanor, Deputy Chief ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na minsan na ring naisyuhan ng arrest warrant si PO3 Arnold Sagun, nakatalaga sa Kamuning Police Station sa pagbaril kay ret. SPO2 Jose Oliva ng nabanggit na taon.
Si Sagun ay inaresto noong nakalipas na Huwebes matapos itong iturong bumaril at nakasugat sa biktimang si Alex Romarico Chiong Jr., 30 , habang hinahabol umano ang nanggugulong mga kalalakihan sa Brgy. Culiat, Tandang Sora ng lungsod.
Nang maaresto ang suspek noong Huwebes ay agad beneripika ang rekord nito kung saan nabatid na inisyuhan na rin ito ng arrest warrant noong April 23 ni Judge Caridad Walse-Lutero of Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 223 kaugnay ng kasong isinampa ni Oliva.
Dahil dito ay naglagak si Sagun ng P120,000 piyansa nitong Biyernes sa kaniyang naunang kaso sa RTC Branch 223.
Magugunita na noong Setyembre 13 , 2011 ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Sagun noong dati pa itong nakatalaga sa Batasan Hills Police Station at si Oliva na binansagan nitong “Senior Pulis Patola “ na nauwi sa pamamaril ng nasabing parak.
Samantalang noong Miyerkules ay nabaril naman ni Sagun si Chiong sa likod na naglagos sa dibdib nito habang nagmamaneho ng motorsiklo sa harapan ng gate ng Tower Ville Homes, Barangay Culiat.
Inaresto si Sagun na ikinatwiran naman na may hinahabol siyang nanggugulong mga kalalakihan.