MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kasong murder ng Pasay City Police ang dalawa sa anim na suspek na sangkot sa pamamaril sa isang barangay hall na ikinasawi ng isang tanod noong nakaraang Disyembre 27.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. FloÂrencio Ortilla na kanilang nakilala na ang dalawa sa mga salarin ngunit itinago muna ang pagkakakilanlan sa mga ito upang hindi maantala ang kanilang ikinakasang opeÂrasyon.
Ayon sa hepe, mga taga-labas umano ng lungsod ng Pasay ang mga salarin. Tinututukan rin nila ang anggulo na maaaring mga sindikato sa iligal na droga ang nasa likod ng pamamaril na nagresulta sa pagkakasawi ng tanod na si John Armiel Quilantang, 20-anyos.
Sugatan naman sa insidente ang barangay chairman ng Brgy. 134 Zone 13 na si Maynard Alfaro, kagawad Noel Mariano, kagawad Jose Maria at isang Frank Reyes, ng Makati City.
Sinabi ni Ortilla na hindi nila ipinagsasawalang-baÂhala ang lumulutang na ibang anggulo tulad ng awayan sa iligal na sugal ng mga operators sa lungsod.
Idinagdag pa nito na positibong nakilala ang dalawang gunman base sa testimonya ng mga testigo at base pa rin sa kuha ng “closed circuit television camera†sa lugar.