MANILA, Philippines - Sa halip na magpasa ng batas ang Kamara sa pagba-ban ng lahat ng uri ng paputok, nanawagan ang mga mambabatas ng mas mahigpit na regulasyon sa pagbebenta at paggamit ng paputok.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, ang mahigpit na pagpapatupad sa mga umiiral na polisiya ay epektibo para makontrol at ma-regulate ang firework industry.
Giit pa ni Baguilat kung istrikto umano ang implementasyon sa batas ay mababawasan ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok at iligal na pagbebenta rito.
Maging si Deputy Majority Floor Leader Sherwin Tugna ay tutol sa tuluyang pagbabawal sa paputok.
Para kay Tugna, na tubong Bulacan kung saan ito ang lugar na sentro sa pagawaan ng paputok sa buong bansa, maituturing na unconstitutional kung magpapasa ang Kongreso sa tuluyang pag-ban sa paputok.
Marami anya ang mawawalan ng trabaho lalo na sa mga small firework industry na dito lamang umaasa para sa kanilang ikabubuhay.
Dagdag naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, i-regulate na lamang ang paggawa at pagbebenta ng paputok tulad ng pagpayag na makapagbenta ng mga pailaw o kaya ay lusis at pagbabawal naman sa mga explosives na paputok.