Welder nilikida sa tindahan

MANILA, Philippines - Butas ang dibdib at napatay ang isang welder makaraang pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki habang nakatayo at naghihintay ng Bagong Taon sa Quezon City kamakalawa.

Sa ulat ng Quezon City Police Criminal Investigation and Detection unit, nakilala ang biktima na si Crisanto Alvarez, 38, binate, welder, at residente sa Natividad St., panulukan ng Mendoza Street sa Barangay Paltok.

Ayon kay PO2 Jaime de Jesus, wala namang nakakita sa gunman dahil maaring isinabay nito ang pamamaril sa putukan kung saan marami sa mga residente ang abala sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Naganap ang pamamaril sa harap ng sari-sari store malapit sa bahay ng biktima ganap na alas- 11:55 ng gabi.

Nabatid na nakatayo ang biktima sa nasabing tindahan at naghihintay sa pagtatapos ng 2013 nang lapitan at barilin na lamang ito.

Dito lamang napuna ng mga residente ang biktima, at nagtulung-tulong ang ilan na isugod sa Quezon City General hospital subalit idineklarang patay.

Show comments