Street party niratrat: 2 patay, 10 sugatan

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang napatay habang  sampu naman ang sugatan matapos mamaril ang magkapatid na lalaki  sa naganap sa street party sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga napaslang na sina Jovito Alnas, 50, ng 2nd  Street,  4th Avenue; at Renato Bautista ng Barretto Subdivision,  Pandacan, Maynila.

Inoobserbahan naman sa Caloocan Medical Cen­ter, Jose Reyes Memorial Medical Center at Tondo Hospital ang mga suga­tang sina Annalie Villaflores, 46;  Iris Mendoza, 9;  Iverson Lozada, 15; Kenneth Lozada, 22; Alvin Calindacion, 26; Renz Piolo Esperida, 13; China Velasquez, 15; Camille Cacatian, 5; Allan Durado, 31; at si Anadel Villaflores, 20.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Loriel Briones Badilla “alyas Totoy Ampatuan”; at Jetjet Badilla, kapwa nakatira sa BMBA Compound, 2nd Street sa nasabing lungsod at sinasabing sangkot sa bentahan ng bawal na droga at gun running.

Sa imbestigasyon ni SP01 Joselito Barredo Jr. ng Caloocan City PNP, naganap ang pamamaril bandang alas-11:50 ng gabi sa 2nd Street, 4th Avenue, Barangay 118.

Nabatid na nagkakasiyahan ang mga biktima sa idinaos na street party sa kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong Taon nang duma­ting at mamaril ang mag-utol.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong paghihiganti dahil may kaanak ang mag-utol na pinatay din sa nasabing lugar.

Show comments