Kawatan arestado dahil sa GPS

MANILA, Philippines - Dahil sa global posi­tioning system na nakakabit sa cell phone, natimbog ng mga awto­ridad ang isa umanong kilabot na manloloko ng mga estudyante sa lungsod Quezon­, iniulat kahapon.

Si Michael Delos Santos ay nadakip sa may Caloocan City ilang oras matapos ang insidente na nangyari kama­kalawa sa lungsod Quezon.

Bitbit pa umano ng suspek ang iPhone 5 na ninakaw niya sa isa sa mga biktima nang madakip nila ito sa nasabing lugar, ayon kay Supe­rintendent Dennis De Leon, hepe ng Quezon City Police District-Station 5,

Sabi ni De Leon, nakilala ang suspek sa pamamagitan ng rogues gallery dahil sa mga kahalintulad ng kaso, kung kaya itinuring na itong notorious sa ganitong modus operandi.

Si Delos Santos ay na­aresto base sa reklamo ni Jan Christian Villalon, 19, Miguel Luis Same, 18, and Paolo Her­rera, 19, na kumilala sa kanya sa rouges gallery ng pulisya.

Bago ito, nilapitan umano ng suspek ang mga biktima sa harap ng isang fastfood store na nasa panulukan ng Commonwealth at Regalado Ave­nues, ganap na ala-1 ng madaling araw at nagpakila­lang miyembro ng APO Fraternity at nagsasagawa ng isang survey hingil sa hazing law.

Sinabihan umano ng suspek ang mga estudyante na magpunta sa isang restaurant sa kahabaan ng Pearl Drive at iwan ang kanilang mga gamit sa isa pa nilang kaibigan.

Pero ilang sandali, nakatunog ang tatlong biktima at pagbalik nila sa kanilang ka­ibigan ay sinabi sa kanila nito na ibinigay na niya ang mga items sa suspek.

Dito na nagpasyang magtungo sa pulisya ang tatlo para humingi ng tulong at sa pamamagitan ng paggamit sa GPS system na nasa phone ng isang biktima ay natukoy nila ang kinaroroonan ng suspek.

Partikular na natunton ang suspect sa Camarin, Caloocan City kung saan inaaresto ito ng awtoridad ganap na alas-3 ng hapon.

Narekober ng awtoridad ang cash na P13,000, isang iPhone at isa pang phone. Da­lawang susi ng kotse, driver’s licenses ATM at credit cards. Nawawala naman ang relos ng mga biktima. 

 

 

Show comments