MANILA, Philippines - Isang 21-taong gulang na turista ang pinaniniwalaang inanod ng alon habang nagpi-picture-picture sa Bangui Power Plant noong Disyembre 25 ang hindi pa natatagpuan ng Philippine Coast Guard-Pagudpud, Ilocos Norte.
Sa ulat na natanggap ng Coast Guard Station-Curimaw mula sa pulisya, si Mark Ale ay nilamon ng dagat nang tangayin ng malalaking alon sa Bangui Power Plant.
Nagtungo lamang umano sa lugar ang biktima kasama ang kanyang pinsan para kumuha ng mga larawan nang maganap ang insidente.
Pinaniniwalaang si Ale na pansamantalang nanunuluyan sa Laguna Province, ay inanod sa dagat at posibleng nalunod.
Kaagad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station sa Pagudpud katuwang ang Bangui Police, pero hindi nila natagpuan ang binata.
Dahil sa maalong kondisÂyon, pansamantalang itinigil kamakalawa ang paghahanap sa biktima at inaasahang itutuloy anumang oras na bumuti na ang lagay ng dagat.
Inabisuhan na rin ng Coast Guard ang mga kalapit na coastal barangay na agad iulat sa mga awtoridad sakaling mamataan nila ang biktima sa kanilang lugar.