MANILA, Philippines - Kritikal ngayon ang isang 32-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) makaraang saksakin ng isang tomboy na karelasyon ng misis nito, kamakalawa ng umaga sa bayan ng Pateros.
Isinugod sa Rizal Medical Center ang biktimang si Rodolfo Dacuma, isang OFW buhat sa Saudi Arabia.
Bukod sa pananaksak, hinostage pa ng suspek na si Delia Enriquez, 30, ng 44-G Sitio Pagkakaisa St., Brgy. Sta. Ana ang misis ni Dacuma na si Jenelyn at mga anak na sina Carl, 3 at Unix, 2.
Sa ulat ng Pateros Police, nakipagrelasyon si Jenelyn sa tomboy na si Enriquez habang nasa Saudi ang mister na si Rodolfo. Umuwi naman nitong Pasko si Rodolfo kaya muling nabuo ang kanilang pamilya.
Labis itong ipinagselos at ikinagalit umano ni Enriquez lalo na nang iwasan na siya ni Jenelyn.
Dakong alas-8:30 ng umaga nang komprontahin ng suspek si Jenelyn sa bahay nito sa naturang lugar. Nakita naman ito ni Rodolfo na nakialam ngunit naunahan siya ni Enriquez na agad na bumunot ng patalim at pinagsasaksak ito.
Habang nagsisigaw ng saklolo, tinutukan naman ni Enriquez si Jenelyn ng patalim at hinostage sa loob ng bahay kasama ang dalawang anak. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Pateros Police kung saan nagkaroon ng isang oras na negosasyon bago napapayag si Enriquez na pakawalan ang mga hostage at sumuko.
Nakaditine ngayon si Enriquez sa Pateros Police detention cell at nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal.