MANILA, Philippines - Ginawa pang instrumento ng isang ginang ang kanyang sanggol na anak para makatangay ng ilang pirasong damit pambata sa isang supermarket sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong theft ang suspect na nakilalang si Janna Castillo, 25, residente ng Brgy. Caybiga, Caloocan City.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang pumasok sa loob ng Puregold Price Club Inc. sa may Paso de Blas Road sa Brgy. Paso de Blas, ang suspect karga ang higit 1-taong gulang nitong sanggol na lalaki.
Agad na dumampot ng sari-saring damit pambata ang ginang at pumasok sa fitting room. Nang lumabas, isang short na lamang ang bitbit nito saka dumiretso sa cashier at nagbayad.
Na-monitor naman ito ng isang guwardiya ng establisimiyento na sumita sa suspect habang papalabas ng pinto. Nang dalhin sa kanilang security office, dito nadiskubre ang ibang damit na patung-patong na nakasuot sa karga nitong sanggol.