PNP blangko pa rin sa suspects na bumaril sa misis ni Atty. Fortun

MANILA, Philippines - Blangko pa rin ang Las Piñas City Police hinggil sa suspek  na bumaril sa misis ni Atty. Raymond Fortun dahil umano sa malabo ang kuha ng CCTV   na nakakabit sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay Senior Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police, sinabi nitong nakakuha na sila ng kopya ng kuha ng CCTV sa compound na  tinitirhan nina Fortun sa Almanza Avenue BF Homes,  subalit nang kanilang busisiin ang kuha ay malayo at malabo ang pagkakakuha nito.

Subalit ayon kay Samala may bahagyang pag-asa naman ito dahil magagawan naman aniya  ng paraan upang  luminaw ang kuha ng mga suspek na riding in tandem na bumaril sa biktimang si Lumen Caroline Fortun, 42.

Sinabi pa ni Samala na hindi pa nila   nakukuhanan ng pahayag ang biktima na nananatiling nagpapa­galing pa  sa ospital.

Magugunitang kaga­galing lamang ng simbahan ang ginang nang barilin ng isa sa dalawang suspek  na magka-angkas sa isang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay.

Nauna nang inihayag ni Atty. Fortun na siya ang target ng mga salarin at nagkataon ang kanyang misis ang nakasakay sa kanilang sasakyan.

Show comments