2 miyembro ng gun-for-hire timbog

MANILA, Philippines - Dalawang  lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng  gun for hire ang nasakote ng  mga tauhan ng  Manila Police District (MPD) sa isang checkpoint kahapon ng  madaling araw sa Tondo, Maynila.

Iniharap sa media ni MPD director Chief Supt. Isagani Genabe  kasama si Sr.Supt Villamor Tuliao ng   District Intelligence Division  ang mga nadakip na sina Danilo Cesista, 33, may-asawa, porter at residente ng Blk.5 Port Area, Manila at  Ferdinand Aquino, 23, may-asawa, tricycle driver  ng 330 Gate 17, Parola Compound, Tondo,Maynila.

Napag-alaman na ang pagkakaaresto ng mga suspect ay bunsod ng patuloy na kampanya ng MPD laban sa kriminalidad  kung saan  nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang kapulisan ngayong isinasagawa ang  Simbang Gabi.

Ayon kay Genabe, sa pangunguna nina MPD-Station 2 commander Sr. Supt Jackson Tuliao at ni PCP-PS2 P/Sr.Insp. John Guiagui, naaresto ang mga suspect sa Gate 7 MICP, Tondo, habang sakay ng isang motorsiklo.

Wala umanong suot na helmet ang mga suspect kaya’t pinahinto sila ng pulis at napag-alaman ding walang maipakitang certificate of registration ang motor na kanilang ginamit.

Nang kapkapan ang mga suspect ay narekober naman sa kanila ang dalawang .9mm na baril, dalawang pakete ng shabu, 31 piraso ng  bala at dalawang cellphone na hinihinalang ginagamit sa iligal nilang transakyon.

Napag-alaman din na ang dalawa ay sangkot sa ilang serye ng patayan sa  Maynila  na inuupahan ng isang Norbie Sambulan alyas­ “SANAYA”  na umano’y syndicate leader.

Ayon pa kay Guiagui, target umano sanang patayin ng mga suspect  ang isang ‘alyas Willie”  sa Gate 7 sa nasabing lugar dahil na rin sa kautusan ni SANAYA matapos hindi makapag­remit  ng drug money si Willie sa huli.

Ang mga ito din ang itinuturong responsable sa pagpatay sa mga drug pushers­ sa Parola  compound  at ang huli nilang naging biktima ay isang Ricky Quebral, 30.

Sasampahan naman ng iligal possession of firearms and ammunitions, illegal possession of illegal drugs habang inihahanda pa ang iba pang kaso kaugnay sa kinasasangkutang serye ng pagpatay.

Nakatakda na ring isailalim sa  Inquest proceedings sa Manila Prosecutors Office ang mga suspect.

 

Show comments