Sagian sa trapiko parak namaril

MANILA, Philippines - Arestado ang isang pulis matapos nitong barilin ang isang tricycle driver na nakasagian  nito kahapon sa Malabon City.

Nakakulong sa Malabon City Police ang suspek na si PO2 Roderick Maniti, at nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO). Ginagamot naman sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Patrick Sevilla, 28,  ng M.H. Del Pilar St., Santulan ng naturang  lungsod.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-8:30 ng umaga sa Tala St., Santulan ng naturang siyudad.

Nabatid  na pumapasada ang biktima ng kanyang tricycle, nang masagi nito  ang suspek na sakay  naman ng bisekleta.

Bumagsak ang suspek na tinulungan namang makatayo ng biktima, subalit sinapak ng naturang pulis si Sevilla.

Umuwi sandali ang bik­tima at nagpasama sa dalawang kaibigan upang magpunta sa presinto para magreklamo, subalit habang naglalakad malapit sa lugar­ ng pinangyarihan ng insi­dente ay sumulpot ang suspek sakay ng kotse at pinagbabaril si Sevilla.

Kaagad namang dinala ang biktima ng isa sa mga kasamang kaibigan  sa naturang ospital at habang ang isa namang kaibigan ay dumiretso sa presinto upang ipaalam ang insidente. Mabilis namang rumes­ponde ang mga kagawad ng Malabon City Police at nadakip nga nila ang naturang suspek.

Show comments