MANILA, Philippines - Nasawi ang tsuper ng isang pick-up van makaraang humampas ang kanyang sasakyan sa panghukay na parte ng isang backhoe machine, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Isinugod pa sa Zarate Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang 32-anyos na si Cris Monfonvanua, ng Bible St., Karuhatan, Valenzuela City. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, minamaneho ng biktima ang isang pick-up van (WAT 517) dakong alas-5:30 ng hapon kasama si Joel Pascua, 41, nang hindi mapansin ang nakalawit na parte ng backhoe machine na nakaparada sa tapat ng isang construction site sa Alabang-Zapote Road sa Brgy. Talon 1.
Sa lakas ng pagkakasalpok, nawasak ang unahan ng pick-up van kung saan napuruhan si Monfonvanua habang sugatan rin si Pascua ngunit nakaligtas sa mas matindi pang kapahamakan nang magawang makatalon ng sasakyan.
Natagalan naman na matanggal sa loob ng sasakyan ang biktima nang maipit ang katawan nito sa nayuping bahagi ng van.