MANILA, Philippines - Patuloy ang pagsalakay ng mga taxi driver na may modus na pasisinghutin ng pampatulog na kemikal ang mga sakay makaraang dalawang pasahero ang makatakas at magreklamo sa Pasay City Police, kamakalawa ng gabi.
Dumulog sa Pasay City Police sina Ma. Diana Sanjani, 21, dalaga, auditor, at residente ng Malate, Maynila, at Patrick Angelo Romano, 20, estudyante, ng Legaspi Tower 300 Roxas Blvd., Maynila.
Sa kanilang salaysay, sumakay sila sa isang taxi na may plakang TXX 893 sa “taxi bay†ng isang maÂlaking mall sa Pasay dakong alas-11 ng gabi at nagÂpahatid patungo sa Vito Cruz sa Maynila. Habang bumibiyahe, nakaramdam ng pagkahilo ang dalawang biktima at napansin na may iwinisik na kemikal ang driver sa air-conditioning unit ng sasakyan.
Bago tuluyang mawalan ng malay, nagawang maÂibaba ng dalawang pasahero ang bintana ng taxi at nakababa nang huminto sila sa red signal ng traffic light. Nang mag-go signal, agad na pinaharurot ng driver ang taxi tungo sa direksyon ng President Diosdado Macapagal Avenue.
Humingi naman ng saklolo sa mga tauhan ng Police Community Precinct 11 ang mga biktima ngunit hindi na nahanap pa ang naturang taxi. Inilarawan ng mga biktima ang driver na nasa edad 40-anyos, katamtaman ang katawan, nakasuot ng itim na t-shirt at may kaitiman ang balat.
Nakatakda namang maÂkipag-ugnayan ang Pasay City Police sa Land Transportation Office (LTO) upang mabatid kung kanino nakarehistro ang naturang taksi.