MANILA, Philippines - Isang elementary teacher ang dinakip dahil sa kasong swindling habang manghihingi ng donasyon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa loob ng Caloocan City Hall, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Alan Santiago Domingo, 38, nakatalaga sa isang paaralan sa Dagupan, Pangasinan.
Base sa report alas-5:00 ng hapon ng madakip ang suspek ng mga police na nakatalagang security ni Mayor Malapitan habang nakatayo ito malapit sa tanggapan ng Mayor’s Office, Caloocan City Hall, A. Mabini St., ng naturang siyudad.
Nabatid, na nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ng Mayor’s Office hinggil sa ginawang panloloko ng naturang suspek at matatandaan na ito rin ay napanood sa isang programa sa telebisyon na nadakip sa kasong swindling sa Pangarap Village, Caloocan North.
Nagsagawa rin ng verification ang mga pulis laban sa suspek na napag-alamang nambibiktima rin sa mga simbahan.
Dahil dito, agad na isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek, nagresulta nang pagkakadakip nito.