MANILA, Philippines - Todas sa saksak ang isang 30-anyos na tricycle driver na miyembro umano ng ‘Commando gang’ nang makasalubong ang isang kapitbahay, patungo sa tindahan sa kanilang lugar, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Michael Baylon, binata, ng Quiricada St., Sta Cruz , Maynila bunga ng limang saksak sa katawan.
Kinilala lamang sa alyas na Dominador Kidlat, residente rin sa lugar ang suspect na tumakas matapos ang pananaksak.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, dakong alas -10:15 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa harapan ng bahay ng biktima,
Nabatid na katatapos lamang kumain ng hapunan ng biktima at lumabas upang bumili ng sigarilyo nang masalubong umano ang suspect at walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Mismong ang ina ng biktima na si Loida Baylon ang naging saksi sa insidente na agad humingi ng saklolo sa barangay kagawad na si Geraldine Lopez, ng Brgy. 334, Zone 33, kaya nadala ito sa pagamutan bagamat patay na nang idating.
Inaalam pa ang motibo sa pagpatay habang tinutugis na ang tumakas na suspect.