Drug operation: NBI volunteer patay, 4 pa sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang civilian agent o volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI), habang apat pa ang sugatan makaraang paulanan ng bala ng baril ng sinasabing grupo ng drug syndicate sa isinagawang operasyon kahapon sa Tala, Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Atty. Reynaldo Esmeralda, Deputy Director for Intelligence ang nasawi na si Larry Sultan na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan, habang tatlo pang ahente at isang sibilyan ang inoobserbahan dahil sa mga tinamong bala sa katawan.
Nabatid na magsisilbi ng search warrant ang may 40 NBI operatives sa bahay ng isang Aslani Ramuros Makadatu, alyas Niknik, sa 188 o kilala bilang “Base 12†sa Tala, Caloocan City.
Bitbit umano ang search warrant buhat sa Manila Regional Trial Court (RTC) nang salakayin ang nasabing tahanan bandang alas-5:30 ng umaga nang masorpresa na lamang nang paulanan sila ng bala na nagmula sa iba’t ibang panig, na pinaniniwalaang nakapuwesto na bago pa sila dumating.
Ilang araw umano isinagawa ang surveillance bago pa ang pagsalakay subalit posibleng may nagbigay ng ‘tip’ o impormasyon sa sindikato ng suspect kaya ‘nasunog’ ang kanilang operasyon at napaghandaan ng mga armadong kasabwat ng suspect.
Nadamay umano ang mga sasakyan sa lugar at ilang residente na posibleng natamaan ng ligaw na bala dahil sa engkwentro.
Pinagdadampot o inimbitahan ang may 20 kalalakihan upang isalang sa imbestigasyon sa hinalang may kinalaman sa putukan.
Bigo naman ang NBI na madakip ang pakay na si Makadatu.
Kinabibilangan ng 3 (M-16) baby armalite, 2 Ingram, shotgun at iba’t ibang uri ng ammunitions ang narekober sa nasabing operasyon.
- Latest