MANILA, Philippines - Isang pasaherong Iranian ang umano’y nadukutan habang sakay ng eroplano patungong Maynila mula Shanghai.
Narekober ng Immigration officials sa Ninoy Aquino InterÂnational Airport (NAIA) Terminal 2 ang nadukot na pitaka ng Iranian na naglalaman ng 11,000 RMB (Yuan) o mahigit P60,000 mula sa dalawang transiting Chinese national pagdating sa airport.
Sa report nina Immigration officer Ma. Luisa Canlas at immigration supervisor Maida Rebong, habang tinatatakan nila ang pasaporte ni Hamed Bolarjon ay sinabi nitong ninakawan siya habang lulan ng Philippine Airlines PR 339 mula Shanghai patungong Manila.
Ayon kay Bolarjon, inilagay niya ang kanyang belt bag na may pitaka sa overhead compartment at umidlip katabi ang dalawang Chinese nationals. Pagdating sa airport, napansin ni Borlajon na nawawala na ang kanyang pitaka.
Tatlong Nigerian passengers naman ang nagkuwento sa immigration na nakita nila ang dalawang Chinese na nagbibilang ng pera. Dahil dito kaya hiningi na nina Canlas at Rebong ang tulong ng PNP para umasiste sa imbestigasyon.
Sa imbestigasyon, nakita ang 11,000 RMB sa isa sa dalawang Chinese habang natagpuan ang pitaka sa bagahe ng kasama nito.
Gayunman, sinabi ng pulisya na hindi nila maaaring arestuhin ang mga Chinese dahil transit passengers lang sila na may connecting flight sa Indonesia. Desidido naman si Bolarjon na kasuhan ang mga Chinese at ma-blacklist.