Hepe ng PCP sa Tondo, sugatan sa responde

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang opis­yal ng Manila Police District makaraang mabaril sa pagres­ponde sa reklamo ng carnapping sa Tondo, Maynila, kahapon ng ma­daling-araw.

Tumagos umano ang bala mula sa kanang hita sa kaliwang hita nang paputukan ng hindi pa natukoy na suspect ang hepe ng Police Community Precinct ng MPD-station 2, na si Senior Inspector William Santos­. Ginagamot siya sa Gat Andres Bonifacio Me­morial Medical Center (GABMMC­).

Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Jackson Tuliao, hepe ng nasabing istasyon, bandang alas-3:25 madaling araw nang maganap ang insidente sa Ma­sangkay St., malapit sa Estero de Magdalena  sa Tondo.

Nabatid na matapos ma­katanggap ng tawag hinggil sa insidente ng carnapping  sa lugar ay nagtungo doon ang na­sabing opisyal, kasama ang ilang tauhan subalit pagsapit nila sa lugar ay sinalubong umano sila ng putok ng baril na nagmula sa Estero de Magdalena at siya ang minalas na masapul.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation sa insi­dente upang matunton ang kinaroroonan ng tumakas na suspect.

Show comments