MANILA, Philippines - Bunga ng maingay na paglalaro ng cara y cruz, isang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 7 matapos na matuklasang matagal nang wanted dahil sa kasong bawal na droga sa Maynila.
Kinilala ni Supt. Roderick Mariano ng MPD Station 7 ang suspect na si Rudolf Lagamzon, 29, ng New Antipolo St., Tondo, Maynila.
Ayon kay Mariano si Lagamzon, kasama ang iba pa na nagka-cara y cruz sa Daang Bakal St. kanto ng New Antipolo ay inireklamo ng mga kapitbahay kaya agad na tinungo ng naturang operatiba.
Gayunman, nang lalapitan ng mga pulis ang grupo ng suspect ay nagtakbuhan ang mga ito habang nasakote si Lagamzon.
Nang imbestigahan, nakumpirma na may standing warrant of arrest ang suspect kaugnay sa kaso ng pagtutulak ng bawal na droga o paglabag sa Repulic Act 9165 na nakabimbim sa Manila Regional Trial Court Branch 53.
Walang piyansang inirekomenda sa kaso laban kay Lagamzon.
Samantala, sinabi ni Mariano na ipinagbabawal ang anumang uri ng sugal sa Maynila.
Nagsasagawa na rin sila ng operasyon laban sa mga guerilla-type bookies.