MANILA, Philippines - May 100 closed-circuit television (CCTV) cameras ang inilagay sa mga pangunahing lansangan at mga secondary streets sa Marikina City upang mapaigting ang monitoring sa mga krimen at mga aksidente sa lungsod.
Ang Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) at Management Information System and Call Center (MISCC) ang nagsimulang mag-instala ng mga security cameras sa iba’t ibang entry at exit points ng lungsod.
Ang instalasyon ay inaasahang matatapos bago ang pagtatapos ng taong ito.
Ayon kay Marikina Mayor Del De Guzman, malaki ang maitutulong ng mga security cameras upang mapaigting ng lokal na pulisya ang kanilang pagsusumikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod, gayundin ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga residente laban sa mga masasamang elemento.
Nabatid na ang Marikina PNP ang tumukoy sa mga crime-prone area sa lungsod habang ang traffic-prone area naman ay tinukoy ng City Transportation Management and Development Office.
Noong Setyembre 2010, nag-instala na ang Marikina City local government ng mga solar-powered CCTV cameras sa mga pangunahing tulay sa lungsod na siyang nagsisilbing early-warning devices na nagbabantay sa pagtaas ng antas ng tubig sa Marikina River.
Ang mga naturang CCTV cameras ay matatagpuan sa Tumana, Sto. Niño, at Marcos bridges.