4-anyos na anak nakaligtas Mag-live-in niratrat: 1 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Utas ang 27-anyos na babaeng vendor habang nasa malubhang kalaga­yan ang live-in partner nito, bagamat masuwerteng ligtas naman ang kanilang 4-anyos, nang tambangan ng riding in tandem sa motor­siklo sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Cherilyn Chua, ng Claro M. Recto Avenue, Binondo sanhi ng tinamong limang  tama ng bala sa katawan habang patuloy na ginagamot sa Mary Johnston­ Hospital ang live-in partner  nitong si Mark Mamaril, 28, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Tumakas matapos ang pamamaril ng mga suspect na  armado ng  9mm pistol sa direksiyon ng Road 10. 

Sa ulat ni PO3 Ronald Gallo ng MPD-Homicide Section, dakong alas- 10:00 ng gabi  nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Moriones  at Franco  Sts., Tondo, sakop ng Brgy. 64, Zone 6, District 1.

Nabatid na magkaka-angkas din umano sa isang motorsiklo ang mga biktima at anak na si Mark John, na nakapuwesto sa unahan,  nang biglang buntutan ng riding-in-tandem at paulanan ng putok ang dalawa.

Ayon kay Gallo, sa ulo inasinta si Mamaril upang iiwas ang bala sa bata. Ang mga biktima ay nagnenegosyo umano ng ready to wear (RTW) sa CM Recto Avenue.

Inaalis ang anggulo ng love triangle, bagamat blangko pa rin sa motibo sa pamamaril ang mga awtoridad.

Show comments