Sangay ng Western Union, nilooban

MANILA, Philippines - Isang sangay ng Western Union money transfer ang hinoldap ng tatlong armadong lalaki saka tinangay ang aabot sa P300,000 halaga ng collections nito sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, ang tatlong mga suspek ay nagkunwaring mga kostumer sa sa­ngay ng Western Union sa Brgy. Masambong at saka tinutukan ang mga kawani sabay deklara ng  holdap.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Teotimo Daguman, may kabuuang P295,226.15 halaga ng koleksyon ang nakuha sa money transfer, bukod pa ang CCTV main box player; P1,100 cash; Sony Erickson mobile phone (P12,000) at Sam­­sung mobile phone (P2,000); BDO ATM card; at iba’t ibang identification cards.

Nangyari ang insi­dente ganap na alas-2 ng hapon. Ayon kina Chamis Lianne Milliare, 25 at Philipi Anthony Maningting, 26, nagkunwaring mga kostumer ang mga suspek nang pumasok sa shop. Isa sa mga ito na armado ng kalibre .45 pistola ang lumapit kay Maningting at nagdeklara ng holdap.

Habang nakatutok ang baril, inutusan ang teller na buksan ang vault at doon nilimas ang nasabing mga items. Nang makuha ang pakay ay mabilis ding sumibat palabas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Show comments