2 miyembro ng ‘Cuya robbery group, timbog dahil sa GPS

MANILA, Philippines - Dahil sa global positioning system (GPS) na nakakabit sa cellphone, nalambat ng mga opera­ tiba ng Quezon City Police ang dalawa sa miyembro ng kilabot na “Cuya robbery group” ilang minuto makaraan pasukin nila ang bahay ng isang sugar cane planter sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang mga suspect na si Raymond Reyes, 23, at Joel David, 32, kap­wa residente sa Brgy.Ba­lingasa, Balintawak, Quezon City.

Ayon kay Chief Supt. Richard Albano, district director ng QCPD, si Reyes ay nakaratay ngayon sa ospital matapos tamaan ng bala nang manlaban ang mga ito sa mga umaarestong tropa ng pulisya.

Ang lider ng kanilang grupo na si Jonathan Cuya, 23, at ilang pang kasamahan ay mabilis na nakatakas at ngayon ay patuloy na pinaghahanap.

Naaresto ang mga suspect matapos na hu­mingi ng tulong sa pulisya ang mga kasambahay ni Ruben Dizon Jr., nang holdapin at pagnakawan ng mga suspect nila ang bahay ng huli sa may Scout Delgado, Brgy. Laging Handa, ganap na alas -10:55 ng umaga.

Nilimas ng mga suspect ang mga gamit sa loob ng bahay tulad ng pera, alahas, Apple Ipod, na nasa loob ng steel vault, kabilang ang compaq laptop computer saka nagsitakas.

Nang makuha ng grupo ang kanilang pakay ay mabilis na umalis ang mga ito sakay ng dalawang motorsiklo ng walang plaka.

Samantala, nang mabatid ng mga biktima na wala na ang mga suspect ay agad nilang kinalas ang pagkakatali saka humingi ng tulong sa mga kapitbahay na siya namang nag-report sa Kamuning Police Station 10.

Natukoy ni Dizon ang nawawalang gadget na Apple Ipod sa pama­magitan ng global positioning system (GPS) at ito ay nasa may Barangay Balingasa, partikular sa Sto. Cristo Street kung saan nagsagawa ng ope­rasyon ang mga pulis at natunton ang mga suspect.

 

Show comments