MANILA, Philippines - Upang mas mapabilis ang relief operations sa mga probinsiyang tinamaan ng bagyong Yolanda, binigyan ng exemption sa truck ban at number coding ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga trak na naghahatid ng mga relief goods.
Sinabi ni MMDA general manager Corazon Jimenez na epektibo ang eksempsyon sa naturang mga trak hanggang sa katapusan ng Nobyembre. Kabilang sa mga trak na binigyan ng eksempsyon ang mga naghahatid ng relief goods sa tatlong repacking centers sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila; Department of Social Welfare and Development relief station sa NAIA Road, Pasay City; at Air21 warehouse sa Old MIA Road sa Parañaque City.
Sa pamamagitan nito, hindi na umano paparahin ng kanilang mga enforcers ang naturang mga trak para sa mas mabilis na galaw ng mga relief goods mula packing stations tungo sa mga pantalan na maghahatid ng mga ito sa mga lalawigang sinalanta ng bagyo.
Sa ilalim ng modified truck ban, ipinagbabawal bumiyahe sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ang mga trak mula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Ipinatutupad naman ang number coding mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. Layon nito na mabawasan ang bilang ng mga behikulong bumibiyahe sa mga lanÂsangan kada araw.