Dalagita binoga ng ginang dahil sa selos

MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkaka­taon masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang dalagita makaraang barilin sa dibdib ng isang ginang dahil sa hinala nito na may relasyon ang kanyang mister sa una, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Inoobserbahan ngayon ng mga manggagamot ng Pasay City General Hospital ang 16-anyos na si Bhea McArthur, isang canteen helper, ng Brgy. Bagong Sicat, Parañaque City, makaraang magtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Aiza Naga, ng Aguara St., Parañaque City, makaraang agad na tumakas matapos ang krimen.

Sa ulat ng Pasay Police, mag-isang naglalakad ang biktima sa may Sto. Niño St. sa naturang lungsod, nang harangin ng suspek at agad na paputukan ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Bagama’t sugatan, nagawang maitulak ng biktima si Naga at nakatakbo patungo sa Police Community Precinct 6.  Sinaklolohan naman muna ng mga pulis ang biktima na isinugod sa PCGH bago nagsagawa ng manhunt operation.  Bigo naman ang mga pulis na maaresto si Naga nang hindi na ito maabutan sa bahay nito.

Sa ginawang imbestigasyon, una nang sinaksak ni Naga ang biktima sa may Parañaque City dahil sa hinalang may relasyon ito sa kanyang mister na nakilala lamang sa pangalang Jamar.  Sinampahan na ng kaso ng pulisya ang suspek na nagawang makapagpiyansa at ang kaso ay nakabinbin sa korte.

Show comments