2 VK nakumpiska sa loob ng sementeryo

MANILA, Philippines - Hindi na pinatawad ng mga  gambling lord ang  Manila North Cemetery sa Maynila, matapos na dalawang video karera ang  nakumpiska ng mga opisyal nito  at kapulisan kamakalawa.

Ayon kay MNC Administrator Raffy Mendez, nakuha ang  dalawang  VK sa  Tagaytay apartment matapos na may concern citizen na nagtimbre sa kanila. Mabilis  namang tumakas ang mga nanunuluyan dito.

Aniya, halos wala ng makain ang mga nakatira sa sementeryo subalit  hinihikayat pa rin ng  mga sindikato na malulong sa sugal ang mga naninirahan sa nasabing sementeryo.

Karamihan sa mga parokyano nito ay mga nagso-solvent, nagra-rugby at nagsa-shabu.

Bunsod nito, target din ni  Mendez na linisin ang  MNC mula sa mga  solvent boys at drug addict.

Sinabi ni  Mendez na tanging si  Sr. Insp. Ronaldo Santiago, ang  hepe ng Manila Police District-Blumentritt ang kanyang kasama nang  salakayin nila ang  lugar sa loob ng  nabanggit na sementeryo.

Naniniwala si Mendez na marami pang VK ang nasa loob ng  sementeryo subalit nabulabog lamang matapos na kumpiskahin ang  dalawang  VK. Wala namang lumutang  para kunin ang mga nasabing VK.

Idinadaan umano ang  VK sa  pader sa gilid ng  sementeryo .

Sa pahayag naman ng isang  mapagkakatiwalaang  source, ang  nakuhang VK ay pagmamay-ari umano  nina Romy Gutierrez at isang nagngangalang  ‘Lotlot’.

 

Show comments