70-anyos na barker, patay sa sagasa

MANILA, Philippines - Patay ang isang 72-anyos na lolong barker matapos salpukin ng isang pampasaherong jeep kahapon ng umaga­  sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Valenzuela General Hos­pital sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Virgilio de Jesus, ng PNR Compound, Caloocan City.

Nakakulong naman ang nakabangga na si Hannibal Basilio Jr., driver ng Isuzu Jitney (TXL-924),  ng Louis Compound, Brgy. Malinta, Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Cezar Madlangsakay, ng Caloocan City Police Traffic Bureau, naganap ang insidente  alas-5:30 ng umaga sa Samson Road ng naturang lungsod habang tumatawid ang biktima patungong Dagohoy St. at nagtatawag ito ng pasahero nang masalpok ng paparating na pampasaherong jeep ng suspek.

Tumilapon ang biktima ng ilang metro ang layo at una ang ulong bumagsak sa sementadong kalsada na naging­ dahilan upang dalhin ito sa nasabing ospital habang nadakip naman ang suspek ng ilang driver at dinala ito sa himpilan ng pulisya.

 

Show comments