3 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Tatlong pinaniniwalaang mga holdaper ang nasawi matapos na makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng pulisya ma­tapos na mambiktima ang mga una ng isang shop sa lungsod Quezon, kama­kalawa ng gabi.

Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga suspect na sina­sabing nauna nang nanloob sa Keno Bayad­ Center outlet sa may UP, Katipunan Extension, Brgy. Pansol dakong alas-11 ng gabi.

Narekober sa mga suspect ang dalawang money box na naglalaman ng P5,200 cash, tatlong .38 cal. revolver na ginamit ng mga ito sa pagkikipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Ayon sa isa sa biktimang si PJ Gumapal na isasara na niya ang kanilang shop nang biglang sumulpot ang tatlong suspect at puwersahang kinuha sa kanya ang kahon ng pera saka mabilis na nagsitakas patungong Katipunan Extension.

Agad namang nakahingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrulyang pulis na humabol sa mga suspect.

Imbes naman na sumuko ay pinapu­tukan ng mga suspect ang humahabol na pulisya dahilan para gumanti ang mga huli na ikinasawi ng tatlong suspects.

 

Show comments