Obrero dedo sa kuryente

MANILA, Philippines - Namatay sa mismong construction site ang isang 49-anyos na mason nang aksidenteng mapahawak sa nakabukas na live wire sa itinatayong gusali sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Mariano Tamidles, emple­yado ng ITP Construction Corp.  at residente ng Sam­paguita St., Happy Land, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni SPO2  Marlon San Pedro ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa hallway sa 4th floor ng Building 12, Paradise Heights, Permanent Housing, Rodriguez St., Balut, Tondo.

Nauna rito, nagsese­mento ang biktima sa naturang floor ng ginagawang building na pinaniniwalaang aksidenteng nahawakan nito ang isang live-wire na umano’y hindi maayos ang pagkakakabit.

Sinabi naman ng anak na si Bernalyn Daban, 20, wala naman umano silang planong magsampa ng reklamo laban sa construction company.

Show comments