Ginang nasawi sa QC fire

MANILA, Philippines - Isang ginang ang nasawi sa isang oras na sunog na lumamon sa mga kabahayan sa lungsod Quezon kama­kalawa ng gabi.

Ang katawan ni Elizabeth David, 45, ay nadiskubre sa loob ng nasunog niyang bahay sa Brgy. Tandang Sora.

Ayon kay Deputy fire marshal­ Supt. Samuel Tadeo may sampu pang kabahayan ang nadamay sa naganap na sunog.

Bago ito, nakita pa umano ang ginang na bumalik sa kanilang bahay sa may panu­lukan ng Venus St, at Tandang Sora Avenue sa kasagsagan ng sunog.

“Yung mismong kasama niya sa bahay ang nakakita  sa kanya na lumabas na ng kanilang bahay, pero bumalik pa , siguro para kumuha ng mga gamit. Maaring buhay pa siya kung hindi na siya bumalik,” sabi pa ni Tadeo.

Ang katawan ng biktima, sabi pa ni Tadeo ay narekober mula sa ikalawang palapag ng bahay matapos maapula ang apoy.

Nagsimula ang sunog alas-11:40 ng gabi sa may bahay ­­ni David, kung saan mayroon ditong sari-sari store.

Ang sunog ay nagsimula mula sa gilid ng isang establisimento na agad na kumalat at tuluyang lamunin ang 10 kabahayan sa lugar. Ang ibang tindahan sa palengke ay bahagyang nadamay din sa sunog.

Alas- 12:17 ng madaling araw nang makontrol ng kanilang tropa ang sunog at alas-12:43 nang tuluyan nang ideklara itong fire out.

 

Show comments