MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang lalaking nagpapanggap na traffic enforcer matapos na maaktuhan ng mismong hepe ng isang himpilan ng traffic sector habang nangongotong umano sa motorista sa lungsod Quezon, kahapon.
Si Jomar Ablay, 44 ay naka-uniporme pa ng QCPD traffic nang mahuli ni SPO4 Raymund Layug, hepe ng QCPD traffic sector 1.
Ayon kay Layug, natukoy niyang peke si Ablay dahil sa suot ng uniporme at kaduda-duda nitong kilos habang kinakausap ang mga motoristang sina Ryan Lorente, 26, at kasamahan nitong si Armando Torres lulan ng isang sports utility vehicle na Delica (BDG-506).
Sabi ni Layug, nangyari ang pag-aresto sa may kahabaan ng A. Bonifacio corner C-3 Road, ganap na alas-9:30 ng umaga.
Bago ito, sakay ng kanyang sasakyan si Layug patungo sa kanyang opisina sa Balintawak nang maispatan niya ang suspect na nanghuhuli.
“Nagulat ako, kasi, kilala ko ang mga tauhan ko at bakit dumukwang siya sa loob ng kotse na parang may kinukuha, kaya huminto ako at nilapitan ang dalawa,†pahayag ni Layug.
Nang sitahin ni Layug ang lalaki, dito na umano niya ito nakilalang si Ablay matapos na ipatanggal niya ang suot nitong helmet at buksan ang jacket nito kung saan nakita ang suot nitong pekeng uniporme ng traffic at inaresto.
Ayon sa mga biktima na sina Lorente at Torres hinuli umano sila ni Ablay dahil sa umano’y kasong smoke belching habang binabagtas ang kahabaan ng A. Bonifacio. Upang hindi na matiketan, humingi umano ang suspect ng halagang P500 sa mga biktima, pero dahil walang pera ang mga huli ay bumaba ito sa halagang P200.