3 babae patay sa sunog

MANILA, Philippines - Tatlong babae ang nasawi nang ma-trap habang isang lalaki naman ang nasugatan, sa naganap na sunog sa isang residential area, sa Bacood, Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Bunga umano ng suffo­cation ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng mga biktimang sina Benilda Dionisio, 68;  Lily Aguilar at Neri Aguilar, kapwa nasa 50 hanggang 55-anyos,  na pawang residente ng #604 Makisig St. Bacood, Sta. Mesa, Maynila.

Nasugatan naman nang madilaan ng apoy si Ryan Dionisio na sinasabing nila­lapatan pa ng lunas sa ’di natukoy na pagamutan.

Nagsimula umano ang pagsiklab ng apoy dakong ala-1:19 ng madaling-araw sa bahay na pag-aari ng  negosyanteng si Leopoldo Dio­nisio, may-ari ng  Leonille’s Meat Shop & Meat Products.

Umabot sa ika-5 alarma at naideklarang fire-out alas- 2:50 ng madaling-araw ang sunog.

Ang bangkay ni Lily ay natagpuan sa bedroom na nasa unang palapag habang ang mga bangkay nina Neri at Benilda ay nakita sa ika­lawang palapag ng bahay.

Sa ulat ni SFO3 Joseph Jaligue, nagsimula umano ang apoy sa gitnang bahagi ng ikalawang palapag, na mabilis kumalat.

Tinatayang may P2-mil­yong halaga ng ari-arian ang napinsala at patuloy naman ang Arson investigator sa isinasa­gawang imbestigas­yon para matukoy ang sanhi ng sunog.

Ang nasabing 2-storey apartment ay may basement umano na pagawaan ng Leonille’s meat products.

 

Show comments