QC fire: 200 pamilya nawalan ng bahay

MANILA, Philippines - May 200 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin­ ng apoy ang may 100 kabahayan sa Brgy. Culiat, lungsod Quezon, kahapon ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang nasunog na kabahayan ay matatagpuan sa may Balud St., Brgy. Culiat na nagsimula ganap na ala-1:54 ng hapon.

Sinasabing nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Edgar Tabigli sanhi umano ng nag-spark na kuryente.

Dahil sa gawa lamang sa light materials ang nasabing bahay, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang kalapit bahay nito.

Kaya naman ang mga apektadong residente ay nagkanya-kanyang buhat ng mga kagamitang maari  pa nilang maisalba.

Lalong tumindi umano ang pag-apoy sa mga pagsabog ng ilang mga LPG kung kaya umabot ito hanggang Task Force Bravo. Idineklarang fire out ang sunog ganap na alas 3:15 ng hapon, ayon pa sa BFP.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog. Habang inaalam pa ang halaga ng pinsala nito.

Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa nasabing sunog.

 

Show comments