MANILA, Philippines - Patay ang isang Korean national makaraang barilin ng isang hindi kilalang kostumer matapos magtalo ang dalawa hinggil sa presyo ng sapatos na tinda ng una sa pag-aari nitong ukay-ukay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Jose Rodriguez Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang biktimang si Sungmo Hong, 41, ng Phase 3, Bagong Silang, nasabing lungsod.
Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni Caloocan City deputy chief of police at Station Investigation Branch (SIB) chief, Police Supt. Ferdinand Del Rosario, naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi sa isang tindahan ng ukay-ukay na pag-aari ng biktima sa Phase 4, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.
Nabatid sa impormasyong nakalap, nagpunta ang suspek sa tindahan ng biktima upang bumili ng sapatos.
Subalit nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa presyo ng sapatos. Dahil dito, hindi binili ng suspek ang sapatos at galit na umalis, subalit makalipas ang ilang sandali ay nagbalik ito at walang sabi-sabing pinutukan ang biktima.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek at ang biktima naman ay mabilis na dinala sa naturang ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.