Kelot dinedo ni kumpare

MANILA, Philippines - Dedo ang isang 39-anyos na lalaki ma­karaang tadtarin ng bala ang buong katawan ng kumpare nito, kama­kalawa ng gabi sa Taguig City.

Limang tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktimang si Alexander Burgos, residente ng 7th St., GHQ, Brgy. Katuparan, ng naturang lungsod­. Pinaghahanap naman ngayon ang tuma­kas na suspek na si Arnold­ Estrada, bitbit ang kalibre .45 na ginamit sa pamamaslang.

Sa ulat ng Taguig City Police, dakong alas-10:20 ng gabi nang pumailanlang ang sunud-sunod na putok ng baril sa tapat ng bahay ng biktima. Dito tumambad ang duguang biktima na tadtad ng bala ang katawan. Sa imbestigasyon, nabatid buhat sa isang saksi na huling nakita ang biktima na kausap ang kumpareng si Estrada­ bago puma­ilanlang ang mga putok ng baril.

Ayon sa saksi, na­rinig pa niya na nagmamakaawa ang biktima ngunit hindi ito pinakinggan ng suspek­.

Blangko naman ang pulisya sa motibo ng pamamaslang ngunit hinihinalang may ma­tinding galit ang suspek kay Burgos dahil sa dami ng tama ng bala na tinamo nito.

 

Show comments