MANILA, Philippines - Nagkaroon ng ilang minutong tensyon sa hanay ng mga residente ng Brgy. Sto Cristo at mga guwardiya ng Ayala Land, makaraang pumalag ang mga una nang isara ang kanilang daanang papalabas at papasok sa kanilang tahanan sa lungsod Quezon kahapon.
Sa galit ng mga residente, hinarangan ng mga ito ang northbound lane ng EDSA, sanhi upang magkaroon ng pagkabalam ng takbo ng sasakyan na ikinagalit ng ilang motorista.
Ayon kay Josie Lopez ng Anakpawis at residente sa naturang lugar, ipino-protesta nila ang ginawang pagsasara ng mga security personnel ng kompanyang may-ari ng lupa sa dalawang entrada ng kanilang lugar dahilan upang walang makalabas at makapasok sa kanilang sitio.
Sinasabing ala-1 ng madaling-araw nang simulang isara ng mga security guard ng Ayala Land ang nasabing daanan kung kaya walang makalabas na residente sa lugar.
“Ang isyu rito, bakit nila kami, isinaÂsara, kung may nangyaring sunog paano kami makakalabas, gusto ba nila mamatay na lang kami sa loob,†sabi ni Lopez.
Kaya naman, upang pakinggan umano sila ng pamahalaan, minaÂrapat nilang isara ang kalye ng EDSA, bilang panawagan na rin na huwag saraduhan sa halip ay gawin malaya ang kanilang ginagalawan.
Maka-ilang ulit nang nagharap ang mga awtoridad at mga residente dahil sa nakaambang demolisyon sa lugar.
Ilang minuto ring nagtagal ang kanilang pagharang sa kalsada kung saan ilang bata pa ang pinahiga sa katirikan ng araw.
Subalit, ayon sa pulisya, alas- 10 ng umaga ay kusang umalis din ang mga residente at bumalik sa kanilang bahay matapos makalusot ang ilang motorsiklo na sinundan naman ng mga pribadong sasakyan.
Ayon sa pamunuan ng Police Station 2, nakaantabay lamang ang kanilang tropa sa lugar para magbantay kung may mangyayaring kaguluhan sa pagitan ng mga residente at mga security guard, dahil ito lamang anya ang kanilang magiging aksyon sa problema ng bawat panig na hindi naman umano nila umano sakop o hurisdiskyon.